Wednesday, November 27, 2024

Laban ng Manggagawa sa Harap ng Pambansang Kalamidad



Mula sa nakaraang SONA hanggang sa Araw ni Gat Andres Bonifacio, o hanggang sa Kapaskuhan ay makikita kung nasaan ang buong atensyon ng pamahalaan. Wala sa mga hinaing ng manggagawa at mamamayan kundi nasa layuning panghalalan. 

Natagpuan at nabusisi na ng Quadcom and P125-M confidential fund ni Sara Duterte, pero ang P150 wage hike sa LaborCom nasaan na? Araw-araw ay halos may public hearing ang QuadCom na binuo lamang noong Agosto. Ang huling hearing ng Labor Committee para sa legislated wage hike ay noon pang nakaraang Mayo. Habang sa Senado ay noong Pebrero pa naipasa ang P100 wage hike. Masaya na silang nakikitang ang manggagawa ay binabarat ng mga regional wage board.

Hindi na rin nagpatawag ang LaborCom ng Kamara ng iba pang pagdinig sa iba pang labor issues katulad ng anti-endo na security of tenure (SOT) bills. Nasaan ang Palasyo at Kongreso sa mga usaping ito? Nasaan si BBM at si Martin? Kung itutulak lamang ng dalawang lider na ito ang pagsasabatas ng wage hike at pagpapatigil sa endo, matutugunan ang mga kahilingan ng manggagawa habang hinabol ang pananagutan ng mga Duterte sa mga krimen at katiwaliang nagawa.

Kaya sa Araw ni Gat Andres Bonifacio ay magmamartsa ang mga kasapi ng Nagkaisa Labor Coalition mula Espana patungong Mendiola upang isigaw na harapin ng gobyerno ang mga kahilingan para sa pagsasabatas ng dagdag sahod na P150 pataas; pagpapatigil sa endo o kontraktwalisasyon sa pribado at pampublikong sektor; at pagwawakas sa karahasan sa kababaihan.

Nahaharap ang bansa sa pambansang kalamidad. Sunod-sunod na mga bagyo na pumipinsala sa buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan. Dagdag-pabigat ito sa kahirapang nararanasan ng mga mangggagawa na kapos ang kita at sweldo at kung gayon, ay walang kakayahang paghandaan ang pinsalang dulot ng mga kalamidad.

Bunga ito ng ilang dekadang kapabayaan ng gobyerno na i-angat ang buhay ng mamamayan. Bunga ito ng pamamayapag ng dinastiya sa pulitika, at kawalang kalayaan ng mga Pilipino sa maraming bagay. Ang mga ito ay patuloy na sumasalamin sa paniniwala noon ni Bonifacio na walang kaginhawahan kung walang kalayaan.

Lahat ngayon ay halos dinadaan na lamang sa ayuda na ang mas pakay ay pampabida, kaysa pagsasabatas ng mga hakbang na pampagaan sa buhay ng manggagawa. Hindi agenda ang pagbabagong pangmatagalan ang pakinabang. Ito ay dahil lahat ng atensyon mga mga dinastiya ay para sa pansariling kapakanan. Ang kahirapan sa buhay ng manggagawa at mamamayan ay kabiguan ng ganitong uri ng panunungkulan.

Ang mga dinastiyang pulitikal, samakatwid, ay matuturing din na kalamidad. Ang dinastiya, samakatwid, ang dapat i-endo hindi ang manggagawang Pilipino! 

No comments:

Post a Comment