Monday, January 5, 2015

Unang araw ng pasukan ng 2015 sinalubong ng protesta ng manggagawa laban sa pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT

Balik trabaho ang milyun-milyong manggagawa sa Kamaynilaan at kasabay nito, sinalubong naman ng protesta ng grupong Nagkaisa ang ipinapatupad na pagtaas ng pamasahe sa MRT at LRT.

Mahigit kalahati mula sa dating singil ang nadagdag sa pasahe sa MRT3 at LRT 1 & 2.

Pinangunahan ng Partido Manggagawa (PM), PALEA at Federation of Free Workers (FFW) ang protesta sa kabilang dulo ng MRT sa Pasay-Taft habang ang grupong Sentro ng Nagkakaisang Manggagawa o Sentro, PSLINK, PM, at iba pang kasapi ng Nagkaisa sa dulong istasyon naman ng North Avenue sa Trinoma. Ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) naman ang nanguna sa Cubao station.

Bukod sa pagtuligsa sa ipinapatupad na pagtaas, hinihikayat din ng grupo ang kapwa manggagawa na personal na ipahayag ang kanilang protesta sa pamamagitan ng ibat-ibang paraan gaya ng ‘selfie’ at ‘groufie’, pagsali sa mga petisyon at pagsama mismo sa mga aksyon laban dito.

Tinututulan ng manggagawa ang pagtaas ng pamasahe sa MRT at LRT sa 4 na dahilan:

§ Mahihirap na manggagawa ang nakikinabang sa subsidyo at murang pasahe sa MRT at LRT;
§ Ang pagtaas ay hindi mapupunta sa maayos na serbisyo dahil nakalaan itong pambayad sa madaya ngunit garantisadong kita ng private concessionaire na MRTC;
§ Tinatanggal ng gubyerno ang subsidyo sa MRT at LRT pero nilalakihan naman nito ang travel budget ng mga opisyal ng pamahalaan;
§ Ang fare hike ay insentibo sa pribatisasyon ng MRT at LRT.

Nanawagan ang Nagkaisa! sa Malacanang na bawiin ng desisyon sa dagdag na pasahe dahil ang rehabilitasyon nito ay pinondohan na sa loob ng 2015 National Budget.

Nagbabala pa ang grupo na lalo lang magagalit ang mananakay ng tren dahil wala silang makikitang pagbabago sa serbisyo nito sa kabila ng dagdag na singil.

Hindi aniya patas na maginhawa ang byahe ng mga opisyal ng pamahalaan dahil sa lumalaking travel budget ng mga ito habang parusa ang pasalubong ng bagong taon sa milyun-milyong manggagawa.

Nagbabala rin ang grupo na maglulunsad pa ng mga susunod na protesta hangga’t hindi ito itinitigil ng pamahalaan.





No comments:

Post a Comment